Ang katuwiran ni Go ay nasa sitwasyon ang bansa na hirap na hirap ang lahat lalo na ang mga health facilities.
Kulang na rin aniya ang PPEs at mga kagamitan sa mga ospital at lampas kapasidad ang karamihan kaya hirap na tumanggap ng dagdag na pasyente.
Ang apela ni Go ay makaraang mamamatay ang isang buntis na si Mary Jane Alpide habang nagle-labor sa Rizal Medical Center matapos na tanggihan di umano ng apat na medical facility kabilang na ang Dr. Fabella Memorial Hospital.
“Inuulit ko po, hindi maaaring tanggihan ng mga ospital ang sinumang pasyenteng lalapit sa kanila. Labag po ito sa batas,” ang pahayag ni Go.
Sa kabila nito, binanggit din ng ospital na “the time to expand and complete the facility may have taken awhile considering the renovation and procurement of needed equipment.”
Nauna rito, nagbigay na ng babala si Go sa mga ospital na di umano’y tinanggihan ang mga pasyenteng namatay matapos magkaroon ng malalang kondisyon dahil sa sakit. Anim na ospital sa Cabanatuan City sa Nueva Ecija ang napaulat habang may isa pang pasyente ang tinanggihan naman ng 9 na ospital sa Caloocan City na hindi man lamang nagbigay ng kahit na anumang emergency treatment.
Tinukoy ni Go ang Republic Act (RA) No. 10932 o mas kilala bilang Anti-Hospital Deposit Law “which declares it unlawful for a hospital or medical clinic to refuse to administer medical treatment and support to any patient.”
“Ayon sa batas, kung hindi sapat ang kapasidad ng ospital, maaaring i-transfer ang pasyente sa ospital na may kakayahang magbigay ng tamang lunas,” aniya pa rin.
“Bago pa man ilipat ang pasyente sa ibang ospital na mas may kakayahang tumulong, dapat ay na-stabilize na muna ang pasyente na ito at dapat ang paglipat sa kanya ay hindi mas delikado sa kalagayan niya,” ayon kay Go.
Sa kabilang dako, binalaan naman ni Go ang mga lalabag sa batas na mapapatawan ng kaso at pagmumultahin.
Samantala, tiniyak naman ni Go na pai-imbestigahan niya sa mga awtoridad ang mga nasabing insidente at mapanagot ang nagkasala.
“Papaimbestigahan ko ito bilang Chairperson ng Committee on Health sa Senado. Ipapatawag natin ang mga ospital na ito sa tamang panahon and those responsible for these unlawful acts should and will be held accountable,” ayon kay Go.
Aniya pa, ang National Bureau of Investigation, Department of Justice at DOH ay handang magsagawa ng imbestigasyon ukol sa mga ospital na di umano’y tumanggi na gamutin ang mga pasyente.
“Sa ngayon, papaimbestiga rin natin ito sa NBI at DOH Health Facilities Oversight Board. Nagsabi na rin si DOJ Secretary Guevarra na handa silang imbestigahan at panagutin itong mga hospital officials who refuse to provide initial medical treatment in serious or emergency cases,” diing pahayag ni Go.


No comments:
Post a Comment