Natuwa si Chief Presidential Legal Council Salvador Panelo sa balitang ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ng abogadong si Attorney Dino de Leon na isapubliko ang medical records ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Walang malubhang sakit
Sa isang panayam ng PTV kay Panelo nitong Biyernes, Mayo 8, sinabi niyang walang basehan ang inihaing petisyon. Wala umano anumang malubhang sakit ang Pangulo tulad ng hinala ni De Leon.
Kwento pa niya, “Sabi ko nga kapag tinatanong po ako ‘Kumusta ang Presidente?’ Aba’y ‘pag nagmumura pa ang Presidente malusog ‘yan. ‘Pag hindi na nagmura ‘yan baka may sakit na ‘yan.”
Matatandaan na nag file ng petisyon si De Leon sa Korte Suprema na mag issue ito ng Writ of Mandamus. Kung nagkataon na naaprubahan ito, mapipilitan ang kampo ng Pangulo na isapubliko ang kopya ng pinaka bagong medical record nito, pati na ang resulta ng psychological o psychiatric test. Maging ang health bulletins at iba pang health records mula pa ng maupo sa pwesto ang Pangulo noong taong 2016, ay kailangan ipakita.
Kinuwestiyon naman ng kampo ng Pangulo ang motibo sa likod ng petisyong ito. Ani Presidential Spokesperson Harry Roque, walang legal at malinaw na basehan si De Leon para isulong ang petisyong ito.
“We believe it is designed to distract the President from his job and erode the confidence of the Filipinos to President Duterte’s leadership particularly in this time when we are confronted with an extreme health crisis,” ani Roque.
Ayon naman kay De Leon, karapatan ng mga mamamayan na malaman ang tunay na kalagayan ng kalusugan ng Pangulo dahil maaaring makaapekto ito sa publiko. Dagdag pa niya, ang pinakikitang kahinaan ng pangangatawan ng Pangulo ay matibay na ebidensya na magpapatunay na may dapat ikabahala ang publiko sa lagay ng kalusugan nito.

No comments:
Post a Comment